Mabigat.
Hindi mo alam kung saan ka pupunta. Hindi mo alam kung anong sasabihin. Hindi mo alam kung saan ka tutungo. Hindi mo alam kung anong dapat gawin. Parang lahat ng bagay bumabagsak. Binabagsakan ka.
Mabigat.
Hindi mo na kaya. Humihina na ang katawan mo. Pero hindi mo pwedeng bitawan.
Mag-isa ka lang. Walang tutulong sayo. Ang tanging mahihiling mo lamang ay sana bigyan ka ng Diyos ng sapat na lakas para buhatin ang lahat ng bagay.
Ang lahat ng bagay na bumagsak.
Iniisip mo kung ano bang naging kasalanan mo. Naging masama ka bang tao. May pagkukulang ka ba.
Nakapapagod mag-isip. Halos mamatay ka na nga sa kaiisip.
Pero hindi mo alam kung bakit nangyari. Hindi mo alam kung bakit ikaw. Hindi mo alam kung bakit ngayon.
Ayaw mo ng mag-isip.
Ang alam mo lang….
Mabigat.
Hindi mo na kaya. Pero kailangang kayanin.
(Source: emansanas)
• 8 March 2012
Late.
Huli nanaman ako sa klase.
Mabilis na naglalakad at halos mabundol na nga ako ng kotse dahil sa pagmamadali. Hindi ko na nga inantala ang magulo kong buhok at gusot na uniporme.
Onting lakad. Onting overtake sa mga taong mabagal maglakad.
Ilang saglit na lang.
Sa sandaling malapit na ang pagpasok ko sa loob ng building…
Napahinto ako.
Sa sandaling iyon ko na napansin ang magulo kong buhok at gusot na uniporme.
Ngiti.
Halos matunaw ang buong kalamnan ko. Nanginig ang tuhod. Hindi mapakali.
Humina ang buo kong katawan at naging blanko ang isip ko. Wala akong nagawa kundi itago at wag ipahalata ang pag ngiti ng nanginginig kong labi bilang tugon.
Dumiretso ka na sa loob ng building matapos mo akong batiin. Habang pinagmamasdan naman kitang maglakad palayo sa akin.
Naiwan akong nakatayo.
Napagtanto ko na ang sandaling iyon lang ang unang beses na nakita kita matapos ang isang linggo.
Pagkatapos ng huli nating pagkikita.
Perpekto ka pa rin.
Ganito pa rin ako. Hindi para sayo.
Sa nginig ng aking mga mata biglang bumuhos ang malakas na ulan. Naalala ko na nakatayo pa rin ako sa tapat ng building.
Oo nga pala. Late na `ko.
Nagmamadali akong pumasok sa loob ng aming silid habang pilit na itinataboy ang pagkikitang iyon sa aking isip.
Umupo.
Wala pa palang prof.
Nakahinga ako ng malalim at nagpahinga. Inayos ang gusot na uniporme. Tumingin sa salamin.
Nakaiinis isipin na nahuli `ko ang sarili kong nakangiti.
Nakita kita. Nagkita tayo.
Sana pala nagsuklay muna `ko.
• 3 March 2012
Mapagpanggap.
Bakit ka tulala.
Sabi mo hindi ka nag-aalala.
Bakit hindi ka mapakali.
Sabi mo wala naman itong halaga.
Bakit ka nag-iisip.
Sabi mo hindi ka apektado.
Bakit ka lumuha.
Kung sabi mo ang iyong nararamdaman ay siguradong pansamantala.
• 12 February 2012
Tawirang nakamamatay.
Tawid?
Pero baka masagasaan. Masasaktan.
Hindi rin naman sigurado. Baka maunahan.
Pwede naman sumakay ng jeep, fx, o kaya bus para maghanap ng mas madaling tawiran. Mas ligtas na lugar.
Pero hindi iyon ang aking paroroonan. Hindi iyon ang gusto kong puntahan.
Ako ba`y tatawid na papunta sayo?
Pero paano. Kailan. Hindi ako sigurado.
Nakakatakot.
Delikado. Hindi ako ligtas sayo.
Mabilis ang takbo ng mga sasakyan. Walang stoplight. Walang traffic enforcer. Walang overpass.
Isang buwis buhay na desisyon.
Tatawid na ba ‘ko?
• 28 January 2012
Salita
Mag-ingat ka sa mga salita mo
Isang salita
Dalawang salita
Kahit sa simpleng mga salita
Isang salita
Baka umasa ako
Dalawang salita
Baka masaktan ako
Kahit sa simpleng mga salita
Isang salita
Dalawang salita
Maaaring pang hawakan ko.
Mag-iingat din ako sa paniniwalaan ko
Isang salita
Dalawang salita
Kahit sa simpleng mga salita
Isang salita
Baka magtiwala ako
Dalawang salita
Baka makampante ako
Kahit sa simpleng mga salita
Maaaring mahulog ang loob ko.
• 23 December 2011
Ang problema kasi
Kapag nandyan na, pinipigilan mo pa.
Lumalapit na nga, tinatakbuhan mo pa.
Nararamdaman mo na, dinedeny mo pa.
Kaya mo namang abutin, pero hindi mo magawang hawakan.
Pwede mo naman subukan, pero hindi mo magawan ng paraan.
Pero kasi…
Nakakatakot.
Nakakatakot ituloy.
Nakakatakot lapitan.
Nakakatakot aminin.
Nakakatakot hawakan.
Nakakatakot subukan. Nakakatakot gawan ng paraan.
Pero paano kung dumating ang panahon
Na wala na. Wala ng lumalapit. Wala ka ng nararamdaman.
Wala ka ng mahawakan. Hindi mo na magawan ng paraan.
Nakakatakot pa rin ba?
• 23 December 2011
Ang tanim na bulaklak ng batang babae.
Batang babae ay hindi alam
Iniisip kung dapat na bang magpaalam
Bulaklak na tanim, ito ba’y lalago?
O sa isang iglap ay bigla na lang maglaho?
Nakakalito. Nakakahilo. Nakakapagod.
Siya na ba’y magpapahinga at tatawid sa bakod
Bulaklak na tanim, kanya ba’y iiwan?
O palalaguin at babantayan?
Batang babae ay hindi sigurado
Iniisip kung ito ba ay totoo
Bulaklak na tanim, kanya ba’y bubunutin?
O sa paglago’y kanyang hihintayin?
• 23 December 2011
Ang paglagislis ng gulong ng sapatos.
“Weeeeeee!”, sigaw ng batang nagroroller blades sa Duty Free.
Patalon-talon. Paikot-ikot.
Nakikipag-unahan sa kapatid na malikot.
Nasa kaliwa si Papa. Nasa kanan si Mama.
Kasama rin si Ate at Kuya na masayang-masaya.
Sa isang malaking puwang patuloy ang paglagislis.
Maligalig na bata`y umarangkada ng mabilis.
Sa pag-unat ng kamay siya’y naging malaya.
Maligalig na bata’y lumipad ng tuwang-tuwa.
Tikas ng mga ibon tila`y nasa kanyang tupad.
Masayang wumawagayway. Malayang lumilipad.
“Weeeeeee!”, sigaw ng batang nagroroller blades sa Duty Free.
Mataas, malawak, pababa, at paikot.
Sa bilis ng takbo’y siya’y bahagyang natakot.
Muntik na pagtalisod siya’y biglang napahinto.
Nanginig. Paglipad ay hindi ipinagpatuloy.
Sa kanyang takot luha`y halos na dumaloy.
Sa nalalapit na paghikbi’y lumapit ang Ama.
“Dahan-dahan lang, anak. Sa akin ikaw ay humawak.”
Napigil ang iyak. Ngumiti ang bata.
Ipinagpatuloy ang paglipad na malaya.
Kasama. Hawak niya ang kamay ni Papa.
Habang hawak ng kapatid na malikot ang kamay ni Mama.
Kasama rin si Ate at Kuya na masayang-masaya.
“Weeeeeee!”, sigaw ng batang nagroroller blades sa Duty Free.
Nagpatuloy sa paglipad ang batang maligalig.
Kasama ang pamilya sa kanyang kabig.
Malaya. Maaliwalas. Ligtas.
Kasama ang pamilya sa bawat landas.
Batang maligalig, labis na nagagalak.
Kanyang hinihiling na sana’y hindi na matapos
Ang paglagislis ng gulong ng sapatos.
(Source: emansanas)
• 23 October 2011
Huling gabi.
Huling gabi ng pagpatak ng luha.
Huling gabi ng pagiging mahina.
Huling gabi na ang pighati`y ipapakita.
Huling gabi na iisipin kita.
Ngayong gabi tatanggapin na ng isip ko.
Ngayong gabi sasang-ayon na ako.
Na kailanma`y hindi ka na masasalat.
Ng aking mata. Ng aking kamay. Ng aking balat.
Na kailanma`y hindi ko na maririnig.
Ang iyong mga kwento. Mga pasabi. Ang iyong tinig.
Na kailanma`y hindi ka na mahahagip.
Ng mga nagmamahal sayo. Kahit saglit lang.
Salamat. Paalam.
Mga huling sandali na sana`y nasaksihan.
Salamat. Paalam.
Mga alaala mo`y mananatili kailanman.
Salamat. Paalam.
Akin ring ipagbibigay-alam,
Hindi mo man maririnig,
Ngunit alam kong iyong mababatid.
Mahal na mahal kita. Mag-iingat ka.
• 20 September 2011
Ang alam ko lang ngumiti siya.
“Napapagod ka na po ba?”
Tanong sakin ng paborito kong pamangkin habang nakahiga ako sa kama at hindi makagalaw.
“Matulog ka na po.”
Sabay ngiti.
Hindi ko siya matignan ng diretso sa mata. Nung una pa nga`y hindi ko siya nakilala. Noong huling ko siyang nakita mahaba pa ang kanyang buhok na umaabot pa nga sa bewang niya. Noong huli ko siyang nakita ay napakabata pa niya.
Noong huli ko siyang nakita…. hindi pa ako ganito.
Hindi siya nagsasalita noong pagkakita niya sakin. Hindi ko rin siya makausap. Bawat hinga at bigkas ko ay tila isang milyong pagtakbo ko na sa palibot ng Quezon City Memorial Circle.
Nakakapagod. Nakakalanta.
Sinusubukan kong magsalita pero pagbulong lamang ang lumalabas sa labi ko. Alam kong hindi niya ko naiintindihan. Gusto ko sana siyang pagsabihan tungkol sa pag-aaral, sa pagboboypren, sa pagtupad ng kanyang mga pangarap, at sa pagiging isang magaling na babae balang-araw. Pero walang lumalabas sa labi ko. Ngumingiti lang siya at tumatango sa mga bulong ko.
Hindi ko maintindihan kung bakit siya ngumingiti. Kung bakit hindi siya umiiyak.
Sa mga taong bumisita sakin habang nasa bingit ako ng kamatayan, siya lang ang tanging nakangiti habang nakikita akong nagdurusa sa sakit. Hindi ko makita kung dahan-dahan na bang nababasa ang mga mata niya. Ang nakikita ko lamang ay ang linya sa kanyang labi niya na nagmamarka ng isang ngiti.
Bakit?
Iniisip ko kung bakit. Bakit hindi siya umiiyak. Naririnig ko siya at hindi naman tunog masaya ang pagbigkas niya. Hindi rin naman tunog malungkot. Ewan. Hindi ko malaman kung ano ba talagang nararamdaman niya.
Ang alam ko lang ngumingiti siya.
Tahimik lamang siya at bihira magsalita. Tanging ang mapayapang pag ngiti niya lamang ang naaaninag ko.
Paglabas niya sa kwarto, papikit naman ang mga mata ko.
Alam kong iyon na ang huling beses na makikita ko siya. Alam kong hindi ko na maaabutan ang debut niya at ang kasal niya. Alam kong hindi na `ko magiging parte ng araw-araw na pamumuhay niya.
Pero mapayapa ang pagpikit ko.
Dahil kahit hindi man klaro sa paningin ko ang hugis ng kanyang mukha, ang mapupungay niyang mata, ang maganda niyang buhok, at ang kulay ng kanyang damit noong sandaling iyon…
Isa lang ang maaalala ko.
Ang alam ko lang ngumiti siya.
• 26 August 2011
C.R lang ako.
Binuksan ang pinto. Binuksan ang ilaw.
Sara. Lock.
Iyak.
Bawat patak ng luha`y isang daloy ng alaala
Na dahan-dahang naglalaho. Natutuyo.
Nag-iisa. Nag-iisip.
Mga awitin na akala`y para sa `kin. Mga yakap na ngayo`y hindi madama. Mga salitang itinapon at wala ng halaga. Mga oras na nasayang ng mahabang panahon.
Yumuko. Pumikit.
Nginig.
Bawat hikbi`y kirot sa aking dibdib.
Hinga ng malalim. Harap sa salamin.
Tinitigan ang sarili. Inangat ang kamay.
Haplos ng mukha.
Dinamdam ang makinis na pisnging minsan mo nang nahalikan. Mga bilog na salaming hinamog sa pagdaloy ng luha. Labing nanginginig. Nagpipilit ngumiti.
Haplos ng mukha.
Ibinaba ang bilog na salamin. Yumuko. Tumingala. Isang babaeng walang mukha ang aking nakita.
Sakit. Poot. Galit.
Mahigpit na ipinilipit ang aking kamao.
Tumila ang pag-iyak. Ipinahid ang luha. Ngiti.
Ano na nga ba?
Wala?
Wala na.
Isa…
Dalawa…
Tatlo…
Pagbukas ng pinto. Nasilayan ka sa malayo.
Lakad.
Lakad.
Nakaabang ka na tila nag-aalala.
“Ayos ka lang ba?”
Tango. Ngiti. Yuko.
“Nasa C.R lang ako.”
Tinitigan ang nakasarang palad. Lumapit ka.
Lapit.
Kinuha mo ang kamay kong binasa ng luha.
Bukas ng palad.
Dugo.
Nakita mo ang patalim sa palad ko.
Manhid. Bingi. Hindi ko marinig ang pagsigaw mo sa pangalan ko.
Tingala.
Patuloy ang pagdaloy ng dugo sa pulso ko. Bumagal ang paligid. Hilo. Tuliro. Nadungaw ko ang babae sa likod mo.
Ngiti. Yuko.
Dahan-dahang bumagsak ang manipis kong katawan sayo. Idinilat ang malabong mata. Sinubukang masilayan ka.
Layo.
Layo.
Onti-onting kang lumalayo sa paningin ko. Habang palapit ang babaeng ngayo`y nasa tabi mo.
Itinaas ang kamay. Nanabik na maabot at mahaplos ang iyong pisngi.
Ngiti.
Isa…
Dalawa…
Tatlo…
Dilim.
• 28 December 2010